Sa loob lamang ng unang 8 oras ng implementasyon ng No Contact Apprehension Policy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mahigit 200 sasakyan na agad ang nabistong lumalabag sa mga batas trapiko.
Ayon kay MMDA chairman Emerson Carlos, kabilang sa mga paglabag ay obstruction, reckless driving, at iligal na paggamit ng EDSA tunnels para sa mga bus.
Opisyal na nagsimula ang implementasyon ng polisiyang ito alas-8:30 ng Biyernes ng umaga, pero pagdating pa lang ng alas-9:00, 146 na motorista na ang nakitang nag-pasaway.
Pagdating naman ng tanghali, umabot ito ng 176, at humigit na sa 200 pagdating ng alas-4 ng hapon.
Mistulang reality TV show na ‘Big Brother’ ang mga monitors ng CCTV cameras na nasa loob ng headquarters ng ahensya at pinangangasiwaan ng grupong may 15-miyembro.
Base sa ipinakitang demonstration ng MMDA sa media, ay kayang kuhanin ang mga impormasyon sa plaka ng pasaway na motorista.
Nilinaw naman ni Carlos na isasailalim pa sa review ang mga nakuhang footage ng mga paglabag bago magpadala ng traffic violation ticket sa may-ari.