Nagpahayag ng kanyang labis na pagkadismaya si Senator Leila de Lima sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang panalo ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal noong 2016 ay papel lang na maaring itapon lamang niya sa basurahan.
Sinabi ni de Lima na ang ginagawa ng Punong Ehekutibo sa pakikipag-usap sa China ay ang ‘strategy of subservience.’
“We understand that calibration is the other name of diplomacy. But where is calibration in Duterte’s statement that our victory in The Hague is a worthless paper?” tanong ni de Lima, na bahagi ng delegasyon ng bansa na nakipag-argumento sa Hague bilang noon ay kalihim ng DOJ.
Dagdag pa niya; “what he is doing in our relations with China is not a strategy of deterrence, but a strategy of subservience and servility. Ito ay kataksilan sa Konstitusyon at sa sambayanang Pilipino.”
Puna pa ng senadora, sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly noong nakaraang taon, may paninindigan na sinabi ni Pangulong Duterte na ibinabasura ng Pilipinas ang anumang hindi pagkilala sa pagkakapanalo ng bansa kontra sa China sa Permanent Court of Arbitration.
Ngunit sa mga huling pahayag ni Pangulong Duterte ay mistulang siya mismo ang bumabalewala sa panalo ng Pilipinas.
Noon lang nakaraang buwan, inihain ni de Lima ang Senate Resolution No. 694 at hinihimok niya ang gobyerno na gawin ang lahat ng legal at diplomatikong hakbang para maipaglaban ang teritoryo ng Pilipinas.