Binalaan ni United Nationalist Alliance (UNA) standard-bearer Vice President Jejomar Binay si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na bilang na ang mga araw nito.
Ayon kay Binay, kung mayroon na dapat lumuhod at magdasal, ito ay si Duterte dahil malapit na umano itong managot sa batas.
“Mister Duterte, ang sabi mo maghanda na akong lumuhod at magdasal. Alam mo, Mister berdugong mamamatay ng bata at pumapatay ng mga mahihirap, kung merong dapat lumuhod at magdasal, ito ay walang iba kung hindi ikaw, bilang na ang araw mo. the law will soon catch up with you,” ayon kay Binay.
Pinaalalahanan ni Binay si Duterte na inamin mismo ng alkalde ang extra-judicial killings at pagpatay sa mga kriminal.
Ilang beses aniyang inamin at ipinagyayabang ni Duterte na pumatay ito ng libu-libo na pinaghinalaan niya lamang na sangkot sa krimen.
Ito aniya ay tinatawag na admission against interest at alam daw ito ng alkalde bilang dating fiscal at abogado.
Buwelta pa ng pangalawang pangulo, huwag siyang babantaan ni Duterte dahil hindi siya natatakot dito.
Ang plano aniya ni Duterte para mawala ang kahirapan ay ang patayin ang mga mahihirap.
“Ikaw ang dapat matakot sa Diyos at sa batas ng ating bansa. Sa halip na tulungan ang mga mahihirap, pinapatay mo ang mga mahihirap dahil sa suspetsa lamang. Ni wala kang pinapatay na mayaman, ni wala kang pinapatay na big-time pusher o smuggler sa iyong lungsod,” pahayag ni Binay.
Iginiit ni Binay na ang solusyon sa kriminalidad ay tugunan ang kahirapan at hindi ang pagpatay sa mga mahihirap at mga bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.