Hiniling ni Senator Leila de Lima na maimbestigahan sa Senado ang napaulat na ‘serious data breach’ sa mga sensitibong dokumento ng korte mula sa Office of the Solicitor General (OSG).
Nangangamba si de Lima sa panganib na maaring maidulot ng pangyayari sa mga kaso ng mga sensitibong ahensya ng gobyerno.
Inihain ng senadora ang Senate Resolution 713 para maimbestigahan ng kinauukulang komite sa senado ang pangyayari sa katuwiran na hindi ito ang unang pagkakataon na may katulad na insidenteng nangyari sa isang tanggapan ng gobyerno.
Diin niya kailangan nang mapagtibay pa ang mga ginagawang hakbang at proteksyon sa mga sensitibong dokumento laban sa ‘cyber attacks.’
Unang ibinunyag ng UK Security company TurgenSec na may 345,000 sensitive court documents mula sa Office of the Solicitor General ang naisapubliko at nakaka-alarma ang nilalaman ng mga ito.