Malakanyang: Ongoing na ang debate nina Pangulong Duterte at retired SC Justice Carpio
Nakahanda si Pangulong Duterte na makipag-debate kay dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio sa isyu ng pakikipag-agawan ng teritoryo ng Pilipinas sa China.
Ito ang sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque kung isang formal debate ang gusto ni Carpio.
Pero paliwanag nito, nangyayari na ngayon ang debate sa pagitan nina Pangulong Duterte at Carpio.
“Ang sinasabi ko po, the debate has been ongoing as far as the Filipino is concerned pero if he wants a formal debate, kahit kailan po iyan welcome naman po ni Presidente iyan,” aniya.
Buwelta pa nito, malinaw na hindi masagot ni Carpio ang tanong kung anong isla ng Pilipinas ang ipinamigay ng punong ehekutibo sa China.
Malinaw naman aniya ang sagot na walang isla ang nawala sa ilalim ng administrasyong Duterte hindi kagaya noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na nawala ang Scarborough Shoal at Mischief Reef.
Sa ngayon kasi aniya, status quo ang sitwasyon sa West Philippine Sea bunga ng naging pag-uusap aniya noon nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.