Nagpatupad ng travel restrictions ang Pilipinas sa mga pasahero na galing ng Pakistan, Nepal, Sri Lanka at Bangladesh.
Ito ay bilang bahagi ng pag-iingat ng Pilipinas sa COVID-19 variant na galing ng India.
Base sa memorandum na inilabas ni Executive Secretary Salvador Medialdea, hindi na muna patutuluyin sa bansa ang mga pasahero na mayroong travel history sa mga nabanggit na bansa sa nakalipas na 14 araw.
Epektibo ang travel restrictions mula 1:00 ng madaling araw ng Mayo 7 hanggang mayo 14, 2021.
Makapapasok pa naman sa bansa ang mga pasahero na in transit o ang mga makararating sa Pilipinas bago ang Mayo 7.
Pero nakasaad sa memorandum na kinakailangang sumailalim sa mahigpit na quarantine at testing protocols.
Kabilang na ang absolute facility based 14 day quarantine period, kahit pa mayroong negative RT-PCR test result ang mga ito.
Samantala ang mga Pilipino at foreign nationals naman na dumaan lamang ang flights mula sa nasabing bansa, o nanatili lamang sa airport at hindi talaga pumasok sa mga bansang nabanggit ay hindi ikinukonsiderang nagmula o nagkaroon ng travel history sa mga bansang ito.
Dahil dito, hindi na ire-require ng 14 day facility based quarantine, ngunit dapat na sumunod pa rin ang mga ito sa quarantine at testing protocol na ipinatutupad sa mga paliparan.
Ang lahat ng COVID positive specimen na makukuha mula sa mga pasahero mula sa nabanggit na bansa, kabilang na ang India, ay kailangang sumailalim sa Whole Genome Sequencing. Habang ang close contact tracing ay kailangang sundin.