Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan, si dating BSU President Ernesto de Chavez ay napatunayang lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa illegal na paniningil nito ng internet fees sa mga estudyante mula taong 200 hanggang 2002.
Hinatulan si De Chavez na mabilanggo ng mula anim hanggang sa sampung taon at bawal na ring humawak ng anomang posisyon sa pamahalaan.
Nakasaad sa desisyon ng Sandiganbayan special 2nd division, na si De Chavez at ang kapwa akusado na si Rolando Lontok, Jr. ay nangulekta ng P550 sa bawat estudyante bilang internet fee.
Batay sa pahayag ng mga testigo na iniharap ng Ombudsman, ang paniningil ay hindi otorisado ng board ng eskwelahan at hindi rin suportado ng resibo.
Binanggit din ng mga testigo na ang nakulektang halaga ay idineposito sa personal bank accounts nina De Chavez at Lontok.
Umabot sa P500,000 ang kabuuang halaga na nakulekta ng dalawa mula sa mga estudyante.
Ang kaso laban kay Lontok na nananatiling at-large ay itinuring munang “archived” habang hindi pa siya nadadakip.