COA special audit sa paggasta sa P570B Bayanihan Fund hiniling

Naghain ng resolusyon sa Senado si Senator Risa Hontiveros at hinihikayat ang Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa paggasta sa P570 bilyon nailaan sa Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1) at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Ginawa ni Hontiveros ang hakbang dahil nahihirapan ang sistemang pangkalusugan sa pagharap sa pandemya.

“Suko na ba agad ang administrasyon na makibaka laban sa COVID-19? Imbes na umamin sa mga pagkakamali, tahasan pang sinabi na wala na daw silang magagawa at sinisi pa ang mamamayan. Bilyun-bilyon na umano ang ginagastos mula sa pera ng taumbayan, pero hindi naman naiibsan ang pagdurusa ng mga Pilipino. Government must take a hard look in the mirror by doing a special audit of its financial decisions more than a year into the pandemic,” sabi ng senadora.

Kasabay nito ang kanyang panawagan sa Malakanyang na isapubliko ang financial reports ng paggasta sa pondo na nailaan sa Bayanihan 2.

“Kung kailan matindi ang pagsirit ng mga kaso ng COVID-19, saka naman hindi makita ng mga Pilipino kung saan na napupunta ang pera natin. Paano natin mapopondohan nang maayos ang mga gamot, ayuda, pasilidad, at programang panligtas-buhay kung hindi natin alam kung alin-alin ang natugunan na at alin ang hindi pa? Magkano pa ang natitira? Iresponsable at iligal na hindi isapubliko ang mga financial reports sa panahon ng krisis,” diin nito.

Puna pa niya, hindi pa rin naibibigay sa medical frontliners ang mga insentibo at benepisyo na pinondohan na rin sa naturang dalawang batas, gayundin ang mga ayuda na dapat ay naibigay na sa mamamayan.

Read more...