Ibinunyag ni Cavite Governor Jonvic Remulla na may mga lumalapit na sa kanya na sugo ng mga nangangarap maging kapalit ni Pangulong Duterte sa susunod na taon.
“Marami na ang mga namamagitan para sa mga may ambisyong tumakbo bilang pangulo. Gustong humarap sa akin, makipag-usap at kumuha ng suporta para sa darating na halalan,” ang post ni Remulla sa kanyang Facebook account.
Ngunit diin niya, wala pa siyang interes na makipag-usap kahit kanino bagamat nilinaw niya na hindi ito nangangahulugan na ayaw niya sa ‘presidentiables.’
Aniya nais niya lang malaman ay ang plano ng mga kakandidato para maisa-ayos ang bansa.
“Time and again we have been disappointed by what always start as good intentions. Yet, what we always get is one’s inability to follow through and deliver. Anyone in position will always fall short of the people’s very high expectations,” sabi pa ng gobernador.
Binanggit niya na sa ngayon ay bagsak ang ekonomiya, nagkalat pa rin ang droga, kaliwat kanan ang extra-judicial killings, red-tagging at aniya nariyan din ang mga kapalpakan sa pagharap sa kasalukuyang pandemya.
Sinabi pa nito na maaring ang mga Kabitenyo ang magsasabi sa kanya kung sino ang nais nilang magiging bagong pangulo ng bansa.
Samantala, sa social media post ni Remulla inanunsiyo na nito ang kagustuhan niya na manatili sa puwesto.
“Alam ko po na sa aking puso at saloobin ako ay mananatili sa Cavite. Kaya’t ako po ay tatakbo muli bilang Gobernador,” aniya.