P24B wage subsidy program sa private workers suportado ng ilang senador

 

Agad nagpahayag ng kanilang suporta ang ilang senador sa binabalak na wage subsidy sa mga empleado at manggagawa sa pribadong sektor.

Layon ng panukala na tulungan ang mga maliliit na negosyo na nagsusumikap na maipagpatuloy ang operasyon para hindi mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleado. Ito ay popondohan ng P24 bilyon.

Sinabi ni Senate Minority Leader Frank Drilon na susuportahan niya ang programa para hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga nagsaradong kompaniya, gayundin ang bilang ng mga nawalan ng trabaho.

Hinihikayat niya ang Budget Department na irekomenda na kay Pangulong Duterte ang realignment ng mga malalaking alokasyon sa ilang programa at proyekto para mapondohan ang nabanggit na panukala.

Paliwanag naman ni Sen. Joel Villanueva suportado niya ang panukala dahil matindi ang pangangailangan na maayos ang cash assistance programs sa mga manggagawa.

Sabi niya hindi na dapat hintayin na mawalan pa ng trabaho ang mga manggagawa kundi dapat ay kumilos na ang gobyerno para mapanatilli ang operasyon ng kompaniya upang walang mawawalan o mababawas na trabahador.

Ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan noon pa man ay isinusulong na nila ang mas malaking tulong sa pribadong sektor.

Sa programa, bibigyan ng P8,000 kada buwan sa loob ng tatlong buwan ang mga trabahador sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Read more...