53% ng mga magulang nagsabing hirap sa pagsagot ng modules – survey

DEPED PHOTO

Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong Pebrero 22 hanggang Marso 3, higit sa kalahati ng mga magulang ang nagsabi na nahihirapan sila sa pagtukoy sa mga sagot ng modules ng kanilang anak.

Ito, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, ang isa sa pinakamalaking hamon sa ikinakasang blended learning system.

Aniya nasasalamin dito ang hindi pagkakapantay sa pagbibigay edukasyon at ito ang dapat na maayos sa K to 12 learners.

Sinabi nito, ang naturang lumutang na problema ng mga magulang sa modules ay lubhang mataas sa Mindanao (74%), Visayas (62%), Luzon (43%) at Metro Manila (32%).

May 23 porsiyento din sa mga sumagot sa survey ang nagsabi na hindi nila naiintindihan ang itinuturo ng mga guro ng kanilang anak.

Binanggit din nito na sa mga ulat  World Bank, Mindanao Development Authority (MinDA), at Philippine Business for Social Progress (PBSP), 36 porsiyento ng populasyon sa Mindanao ang lubhang mahihirap kumpara sa 13.1 porsiyento sa Luzon at 28 porsiyento sa Visayas.

Ayon kay Gatchalian at base sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) napakahalaga na mga de-kalidad na guro ang magturo sa mga eskuwelahan na marami sa mga estudyante ay nahihirapan sa kanilang pag-aaral.

“Kung susuriin natin ang datos, marami sa ating mga kababayan sa Mindanao ang napag-iiwanan sa pagpapatupad ng distance learning at hindi natin ito dapat hayaang magpatuloy. Sa ating pagpapatupad ng distance learning at sa pagbangon ng ating sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya, kailangang siguruhin natin na abot ng bawat mag-aaral ang dekalidad na edukasyon saan man sila nagmula,” ayon sa namumuno sa  Senate Committee on Basic Education.

Inihain nito ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act para mapagbuto ang edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa.

Read more...