Mga isyu ng mga manggagawang Filipino dapat bigyan pansin – VP Leni Robredo

Sinabi ni Vice President Leni Robredo na dapat ay tapatan ng konkretong aksyon ang mga isyu ng mga manggagawang Filipino.

Ito aniya ang dapat isukli sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa at sa lipunan sa pangkalahatan.

“Sa araw na ito, kinikilala natin ang mga manggagawang Pilipino at ang kanyang ambag sa lipunan at kasaysayan. Maging araw sana ito hindi lamang ng papuri at pasasalamat, kundi pati ng kongkretong aksyon sa mga isyung matagal nang idinadaing ng mga manggagawa,” ang bahagi ng mensahe ni Robredo ngayon Araw ng Paggawa.

Partikular niyang binanggit ang nagpapatuloy na isyu ng kontraktuwalisasyon at ang pagbibigay proteksyon sa mga manggagawang Filipino na nasa ibang bansa.

Hiniling din niya ang pagbibigay suporta sa mga manggagawang naapektuhan ng kasalukuyang pandemya dahil sila ang tunay na lakas ng ekonomiya.

“Sa harap ng pandemya, ang pagsigurong may sapat na ayuda, suporta para sa mga nawalan ng kabuhayan, maayos na pampublikong transportasyon, at ligtas na mga lugar ng trabaho,” aniya.

Read more...