Sen. Marcos, sinabing gamitin ang hindi nagagamit na pondo na pangsagip sa mga negosyo

By Jan Escosio April 30, 2021 - 06:49 PM

Nabahala si Senator Imee Marcos sa pahayag ng international financial institutions na maaring mangungulelat ang Pilipinas sa usapin ng ekonomiya dahil sa kakulangan ng tulong sa mga negosyong labis na naapektuhan ng pandemya.

Ayon kay Marcos, may mga pondo sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 na maaring gamitin na direktang pang-ayuda sa mga apektadong negosyo.

“Malulutas natin ang matamlay na pag-ayuda kung ang bahagi ng naturang badyet para sa mga programang pautang ng gobyerno ay gawing mas direktang tulong tulad ng subsidiya sa sweldo at programang pantrabaho,” diin ni Marcos.

Binanggit nito ang mga nagsarang karinderya at sari-sari stores na hindi maaring makautang dahil kulang sa dokumento at aniya, maging ang MSMEs (micro, small and medium enterprises) ay nagdadalawang isip dahil sa pandemya.

Aniya, nasa P3.3 bilyon lang ang nagamit mula sa P10 bilyong pondong inilaan ng DTI sa programa nitong CARES (COVID-19 Assistance to Restart Enterprises) para sa MSMEs sa ilalim ng Bayanihan 2.

TAGS: Inquirer News, MSME, Radyo Inquirer news, Sen. Imee Marcos, Inquirer News, MSME, Radyo Inquirer news, Sen. Imee Marcos

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.