Nagpakita agad ng interes ang China at Singapore sa ibinebentang village sa Australia na may dose-dosenang kabahayan, isang sapa na puno ng mga isda at 35 na Highland na baka.
Sa halagang $10 million, ibinebenta ang nasabing village na may lawak na 145-ektarya.
Kakaiba ito para sa property agent na si John Blackow, dahil ngayon lang aniya siya nagbenta ng isang village.
Dahil nailagay na sa market noong nakaraang linggo, may ilang mga kumpanya na mula sa Australia, China, Hong Kong at Singapore ang nagka-interes bilhin ito.
Magandang magamit sa turismo ang Tarraleah village sa Central Highlands dahil itinayo ito noon pang 1920s hanggang 1930s.
Maaring mangisda ang mga turista ng salmon, maglaro ng golf at maglakad-lakad sa magandang lugar na ito.
Samantala, nalungkot naman ang ilang residente ng Tarraleah dahil sa pagbebenta nito at mas nais pa nilang lokal na pamahalaan na lamang ang humawak nito.