Pinaiimbestigahan ni Health Secretary Francisco Duque III sa Food and Drug Administration (FDA) ang pamamahagi ng mga doktor ng Ivermectin sa Quezon City kung saan gumamit lamang ngg kapirasong papel bilang prescription.
Pinangunahan nina Congressmen Mike Defensor at Rodante Marcoleta ang pamamahagi ng Ivermectin kasama ang apat na doktor sa pamumuno ni Doctor Iggy Agbayani na presidente ng Concerned Doctors and Citizens PH.
Ayon kay Duque, malinaw na ang mga doktor ang mananagot kung sa isang pirasong papel lamang isinulat ang prescription.
Sa ilalim kasi aniya ng batas, dapat nakalagay ang detalye gaya ng pangalan ng nag-prescribe ng gamot, ang address, professional registration number at tax receipt number.
Dapat aniyang sundin ito at hindi maaring token prescription lamang ang gamitin.