Lumiham na si Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo sa Inter-Agency Task Force para gamitin ang private subdivisions para sa pagbabakuna sa mga residente nito.
Ayon kay Hipolito-Castelo, makababawas ito sa siksikan ng mga tao sa vaccination centers lalo na sa Metro Manila.
Marami aniya ang natatakot na magtungo sa vaccination sites dahil sa dami ng tao.
Nangangamba aniya ang mga nais magpabakuna na makakuha ng COVID-19 dito.
Paliwanag ng mambabatas, wala namang magiging problema sa manpower sa pagbabakuna.
Bukod dito, nais din ng kongresita na payagan ang walk-in na mga magpapabakuna.
Marami kasi aniya ang wala namang internet connection o kaya ay mga gadget na gagamitin sa online registration.
Napakaimportante aniyang mailapit ang gobyerno sa taumbayan at hindi ang publiko ang nagpupumilit makalapit sa pamahalaan.
Iginiit din ni Hipolito-Castelo na hindi pro-rich ang kanyang hiling sa IATF sapagkat ang villages lamang aniya ay magiging extension sites ng kasalukuyang vaccination centers.
Maari aniya itong buksan sa mga kalapit lugar ng mga subdivision upang hindi rin malayo ang puntahan ng publiko upang magpabakuna.
Isa rin sa hiniling ng mambabatas sa IATF ay payagan ang home vaccination para sa mga nakatatanda at mga person with disability.
Ito aniya ay bagama’t mayroon ng mga LGU na nagsimula na ang home vaccination.
Pwede aniyang mag-request para sa volunteer doctors o nurses na magsasagawa ng pagbabakuna para hindi na rin maabala ang mga healthcare worker sa LGU vaccination centers.
Sabi ng kongresista, kung magkakaroon ng home inoculation ay matitiyak na walang mapag-iiwanan sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno.