DILG, naglabas ng guidelines sa pagkasa ng community pantry

Photo grab from RTVM Facebook

Naglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng guidelines kung paano ipatutupad ang community pantry sa bansa.

Sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte, Miyerkules ng gabi (April 28), sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na bumuo sila ng guidelines para maiwasan ang posibleng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Maaari kasi aniyang magkaroon ng hawaan kung hindi masusunod ang minimum health standards sa lokasyon ng mga community pantry.

“Sinuman ang organizers, sinuman ang may inisyatibo, dapat ma-ensure ang safety ng lahat.. both ang organizers, ang beneficiaries, at pati na rin ang mga nagpapatupad ng ating mga batas,” saad ng kalihim.

Unang binanggit ni Año ay hindi kakailangan ng organizers na kumuha ng permit.

“Hindi po magre-require ng permit kasi ito po ay magiging additional burden kung sinuman ang magsasagawa ng community pantry,” paliwanag nito.

Ngunit, kailangan aniyang magkaroon ng koordinasyon ang mga organizer sa local government unit (LGU) dahil sila ang tutulong sa naturang inisyatibo.

Ani Año, ang LGU ang magsasabi kung saang lokasyon maaaring gawin ang community pantry.

“Dapat ang venue na ito ay doon mismo sa mga nangangailangang lugar, purok, sitio o barangay,” dagdag nito.

Pwede rin aniyang magbigay ng links ang LGU sa pagitan ng local producers at pantry organizers sakaling mangailangan pa ng karagdagang suplay upang makatulong sa ekonomiya ng LGU.

Tungkulin din aniya ng LGU na magbigay ng seguridad sa community pantries upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, katuwang ang Philippine National Police (PNP), barangay tanod, barangay officials at volunteers.

Kailangan din aniyang magkaroon ng sistema kung papaano maipapaabot ang tulong sa mga benepisyaryo na hindi kayang lumabas na bahay katulad ng mga senior citizen at mga taong may comorbidities”

Saad nito, “Ang gusto po natin dito ay talagang localized ito na kung saang barangay gagawin, doon lang magbabandilyo at hindi na kailangang may dadagsa pang tao na galing sa ibang lugar. Kaya kailangan ay umiikot ang ating community pantry.”

Samantala, sinabi ng kalihim na bawal ang pamamahagi ng mga ilegal at mapanganib na produkto tulad ng nakalalasing na inumin at sigarilyo.

Dapat din aniyang tiyaking masusunod ang basic health protocols sa kasagsagan ng pag-arangkada ng community pantry.

“Isang dahilan na pwede nating ipatigil ang community pantry kapag hindi nasusunod ang basic o minimum health standard sapagkat ito nga ang pagmumulan ng surge o spike [ng COVID-19],” giit ni Año.

Wala rin dapat aniyang singilin na fees ang organizers at LGU dahil ang inisyatibo ay nagpapakita ng “bayanihan spirit.”

Binanggit din ni Año na kailangang irespeto ang karapatan ng lahat sa community pantry, kabilang ang organizer, benepisyaryo at parte ng LGU.

Hindi rin aniya papayagan na magkaroon ng “epal” sa inisyatibo.

“Hindi po natin papayagan na magkaroon ng epal o tinatawag nating.. maglalagay ng signage, billboards, posters, pictures, pangalan, initials o images ng mga tao na nagsasagawa ng community pantry, lalo na po ang mga politicians na gustong pumapel dito sa community pantry.”

Ayon sa kalihim, inilabas ang mga panuntunan upang maging gabay ng LGUs at organizers.

Read more...