Mga mambabatas, pinaghihinay-hinay sa nais na pagtatanggal ng pondo ang NTF-ELCAC

Tinawag ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na “knee-jerk reaction” o hindi pinag-isipan ang mga panawagan na tanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Katuwiran nito, hindi tamang basta alisan ng pondo ang task force nang dahil lamang sa naging pahayag ng pinuno o tagapagsalita nito.

Sabi ni Rodriguez, dapat magkaroon pa rin ng imbestigasyon kung paanong ginagastos ang pondo at kung may pinaglaanan nito.

Punto pa ng kongresista, ang P19 bilyong budget ng NTF-ELCAC ay inaprubahan ng Kongreso para sa pakinabang ng 800 malalayong barangay na dating hindi naaabot ng gobyerno.

Itinutulak ng ilang senador at mga kongresista na kanselahin ang pondo ng task force kasunod ng umano’y red-tagging spree maging sa mga organizer ng community pantries.

Pero pinaghihinay-hinay ni Rodriguez ang mga kapwa-mambabatas sa hakbang na ito at pag-isipan aniyang mabuti kung ano ang makabubuti sa bansa lalo na sa mga napagkakaitan ng serbisyo.

Read more...