Doktor na tinamaan ng COVID-19, personal na inalagaan ang anak na may kaparehong sakit sa ospital
Marami ang nagsasakripisyo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Andyan ang health workers at iba pang frontliners.
Marami sa kanila ang tinamaan ng COVID-19. Mayroong mga nasawi at gumaling.
Nakilala ng Radyo Inquirer On-Line si Dra. Lyde Alday-Magpantay ng Fairview, Quezon City.
Si Dra. Magpantay na isang rehab medicine at pain medicine ay mayroong clinic sa St. Luke’s Medical Center.
Sa edad na 66, tinamaan na siya ng COVID-19 pero ang mas mahirap, maging ang kanyang special child na anak at nagkaroon din.
Kwento ni Dra. Alday- Magpantay, habang nasa isang hospital room sila ng kanyang anak, inaalagaan niya ito.
Kahit naka-suero siya at mayroong nakakabit na oxygen ay personal nitong inaasikaso ang anak.
Maging ang caregiver ng anak ay inaalam din nito ang kalagayan habang naka-home quarantine dahil sa pagkakaroon din ng COVID-19.
Sa simula aniya ay inisip nito na kaya niyang gawin lahat bilang isang doktor.
Pero ayon kay Dra. Alday-Magpantay, hindi niya ito kaya, kaya umasa siya sa tulong at habag ng Diyos.
Nakaramdam aniya ito ng dry cough at tumataas ang kanyang heart rate kaya inisip nito na mayroon siyang COVID-19.
Kaya naman kaagad nagpa-RT-PCR test siya at nang malaman na positibo ay ipinasuri na rin ang kanyang 29 na taong gulang na special child, maging ang caregiver nito at lumabas din na nagtataglay ng COVID-19.
Habang mayroon COVID-19, inisip ni Dra. Alday-Magpantay ang maaring masamang mangyari sa kanya kaya naman itinagubilin na nito sa ibang mga anak ang kanilang kapatid na special child at maging ang kanyang mga naipong pera sa pagtatrabaho.
Gayunman, pinayuhan siya ng kanyang mga kaibigan na doktor na huwag mag-isip ng kung anu-ano dahil maari ito makasama sa kanya.
Kahit ainya nasa bahay ay naka-facemask lalo na siya dahil iniisip nito na lagi siyang mayroong COVID-19.
Kaya payo nito sa publiko, alagaan ang sarili, maging sensitibo sa katawan at huwag hayaan na lamang kung mayroong sintomas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.