Konstruksyon ng Estrella-Pantaleon Bridge, inaasahang matatapos sa July 2021
Handa na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na makumpleto ang civil works sa Estrella-Pantaleon Bridge Project sa buwan ng Hulyo.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, ginagawa na ang ‘final works’ sa naturang tulay.
Nag-inspeksyon ang kalihim, kasama si Undersecretary for Unified Project Management Office (UPMO) Operations Emil Sadain, sa proyekto sa araw ng Miyerkules.
Kuntento naman si Villar sa nakitang progreso ng proyekto na nasa 89 porsyento na.
Saad ni Villar, magandang makita ang pagbubukas ng tulay sa Hulyo para magamit na ang Estrella-Pantaleon Bridge na magkokonekta sa Makati City at Mandaluyong City.
Ayon naman kay Sadain, nakatutok na sa ancillary works sa sidewalk para sa pedestrians at bikers, bridge lighting system, at konstruksyon ng approach road sa bahagi ng Makati at Mandaluyong.
Oras na makumpleto ang proyekto, inaasahang kaya nitong ma-accommodate ang mahigit 50,000 sasakyan kada araw.
Makatutulong ito upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa EDSA.
Inaasahang 20 porsyento ng trapiko sa EDSA ang mababawas kapag binuksan na sa mga motorista ang Lawton-Sta. Monica Bridge sa BGC sa Hunyo at Estrella-Pantaleon Bridge sa Hulyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.