Nais paimbestigahan ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang pagastos ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
Ayon kay Cayetano, magagamit ito sa pagtalakay ng Kamara sa isinusulong ngayong Bayanihan 3 Bill.
Kung ano aniya ang tama sa Bayanihan 1 at 2 ay dapat isama sa Bayanihan 3.
Inihalimbawa ni Cayetano ang P4 billion na pondong inilaan sa Department of Education (DepEd), para sa 10,000 units ng tablet at laptops ng mga estudyante at mga guro para sa blended learning.
Gayuman, sabi nito, kahit ni-isang paracetamol na tablet o kung anumang brand ng tablet ay wala pa raw siyang nakikitang lumabas mula sa DepEd.
Matatandaan na sa Bayanihan 1 o Bayanihan to Heal as One act, nag-realign ang pamahalaan ng P275 billiion na pondo para sa COVID-19 response; habang P165.5 billion naman sa Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act.
Sa ngayon ay nakabinbin pa rin sa Mababang Kapulungan ang Bayanihan 3 Bill.