Duterte, paiimbestigahan ni VP Binay sa mga pagpatay sa Davao

 

Nangako si United Nationalist Alliance standard bearer Vice President Jejomar Binay na ipapakulong ang mga nasa likod ng pagpatay sa mga bata, mahihirap at mga mamamahayag.

Sinabi ni Binay, paiimbestigahan niya ang mga summary execution na isinagawa ng Davao Death Squad o DDS at kung sangkot dito si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, ay papanagutin niya rin ito.

Matatandaan aniya na makailang ulit na sinabi sa mga panayam at pahayag ni Duterte na siya ang nasa likod ng Davao Death Squad.

Dati nang itinuturo ng United Nations, Amnesty International at iba pang human rights groups ang DDS bilang nasa likod ng pagpatay sa libu-libong mga sibilyan, kasama na ang mga menor-de-edad.

Nauna rito, umamin si Duterte na siya ang DDS at nangakong itutuloy ang summary execution sa buong bansa sakaling siya ang maging pangulo.

Gayunman, hindi tulad aniya ni Duterte, bibigyan niya ng pagkakataon ang alkalde na magpaliwanag sa isang Independent Commission.

Iginiit din ni Binay na puro mahihirap lamang ang pinapatay ni Duterte at wala ni isang napabalitang big-time na drug pusher o smuggler na pinatay sa tagal ng paghahasik ng laging DDS.

Kinuwestiyon din ni Binay ang pagpaslang sa tatlong mamamahayag sa Davao na kilalang kritiko ni Duterte.

Read more...