Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Commission on Human Rights (CHR) at National Bureau of Investigation (NBI) ang red-tagging sa organizers at volunteers ng community pantries.
Ayon kay Rodriguez, kailangang masilip ang red-tagging activities sa community pantries at matigil ang harassment lalo na kung ito naman ay may magandang hangarin sa kapwa.
Maging ang Malakanyang aniya ay suportado ang pagkukusa at pagtutulungan ng mga mamamayan sa pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan sa gitna ng pandemya.
Sa ilalim ng House Resolution 1725, nakasaad na sinimulan ni Ana Patricia Non sa Quezon City ang community pantry para makapagbigay ng pagkain sa mga mahihirap sa gitna ng pandemya.
Subalit marami aniyang community pantries ang napilitang magsara dahil ang mga may-ari o organizers nito ay natakot na ma-red tag matapos na busisiin ng mga pulis ang kanilang personal na impormasyon.
Tinukoy din ni Rodriguez na maging ang ilang community pantries sa kanyang distrito sa Cagayan de Oro ay hindi rin pinalagpas ng red-tagging.