Ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ng Sinovac, sinimulan nang iturok sa health workers ng San Jose del Monte City
Nagsimula na ang San Jose del Monte City ng pagbabakuna ng ikalawang dose sa kanilang health workers.
Ayon kay Dra. Roselle Tolentino, City Health Officer ng San Jose del Monte, bukod sa second dose ng bakuna ng Sinovac ay itinuloy rin nila ang vaccination sa mga hindi nabakunahan na health workers dahil sa iba’t ibang dahilan.
Sabi ni Dra. Tolentino, target nilang mabakunahan ang lahat ng nasa 4,000 frontline health workers ng lungsod.
Mayroon na rin silang senior citizen na nabigyan ng COVID-19 vaccine.
Hinihintay na lamang aniya nila ang mga bakuna na para sa A2 priority o nakatatanda.
Nagpapatuloy pa rin naman, sabi ni Dra. Tolentino, ang kanilang master listing para sa mga nasa kategoryang A3, A4 at A5.
Sinabi rin nito na handa sila sa pagbabakuna sa mga taga-San Jose del Monte City at hinihintay na lamang ang pagdating ng bakuna.
Sa San Jose del Monte City, ipinagmamalaki nila ang kanilang best practice sa pagbabakuna. Ito ay ang Antigen swab test.
Ayon kay Mayor Arthur Robes ng San Jose del Monte City, mahalaga na matiyak na walang COVID-19 ang tatanggap ng bakuna.
“Gusto namin na ang babakunahan ay negative sa covid-19. So, iyong mga nagpositive hindi namin binibigyan ng vaccine,” giit ni Mayor Robes.
Sabi pa niya, sagot ng pamahalaang lokal ang antigen swab test ng mga magpapabakuna.
Bahagi na rin aniya ito ng kanilang mass testing sa lungsod.
Sabi naman ni Dra. Tolentino na voluntary para sa mga magpapabakuna ang antigen swab pero lahat aniya ay nais na rin mag-avail nito.
Gayunman, para sa medical frontliners, kailangan muna sila magpa-antigen swab bago mabigyan ng vaccine.
Ang magpopositibo aniya sa antigen ay isinasailalim sa RT-PCR test saka dinadala sa isolation facility ng lungsod habang hinihintay ang resulta nito.
Sinabi naman ni San Jose del Monte City Rep. Rida Robes na naglaan sila ng inisyal na P100 milyon para sa pambili ng bakuna.
“Target namin dito na mabakunahan ang 75 percent ng aming population hanggang matapos ang 2021 pero depende pa rin ito sa availability ng bakuna. Ang matitirang 25 percent sa 1st quarter ng 2022 namin babakunahan,” saad ni Rep. Robes.
Nakausap na rin ng mambabatas si vaccine czar Sec. Carlito Galvez at tiniyak sa kanya ang pagdating ng maraming COVID-19 vaccine sa kalagitnaan ng taon hanggang sa third quarter ng 2021.
Iginiit din ni Rep. Robes na ang 70 porsyento allocation mula sa national government ay patuloy niyang inaayos upang siguraduhin na lahat ay mabibigyan ng vaccine sa tulong ni Senator Bong Go at Galvez.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.