HIV-AIDS fund dapat dagdagan ng P2B – Tolentino
Ipinanawagan ni independent senatorial candidate Francis Tolentino ang pagpasa sa senado ng aids prevention control law para mapigilan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Filipino na nagkakaroon ng AIDS at HIV.
Sinabi ni Tolentino na mismong ang United Nations (UN) na ang nag-anunsiyo na mayroon ng hiv-aids epidemic sa bansa.
Binanggit ni Tolentino na base sa datos mula sa DOH, noong taong 2000, isang kaso ng HIV ang naitatala kada tatlong araw sa bansa, samantalang ngayon ay isang HIV infection ang naiuulat kada oras.
At ayon sa kagawaran tinataya na pagdating ng taon 2022, nasa 133,000 na ang bilang ng mga kababayan natin na may HIV at AIDS.
Giit ni Tolentino, matapos maipasa sa mababang kapulungan ang panukala, nabinbin na ito sa Senate ommittee level.
Dagdag pa nito kailangan maglaan ng P2 bilyon ang gobyerno na karagdagang budget para sa HIV-AIDS education and awareness campaign ng National Aids Council.
Base naman sa pag-aaral, 90% ng mga kababayan natin na nagtataglay ng naturang sakit ay mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa nila lalaki at ang kanilang edad ay 15 hanggang 24.
Kasabay nito, hinihikayat din ni Tolentino ang mga lokal na opisyal na maglaan din ng pondo at magpasa ng mga ordinansa para sa agarang pagbibigay tulong sa mga nagtataglay ng AIDS at HIV gaya ng libreng tests at anti-retroviral vaccines, gayundin ang pagpapatayo ng medical facilities para sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.