COVID-19 vaccination pinagagawang mandatory

By Erwin Aguilon April 27, 2021 - 08:46 AM

Isinusulong ni  House Committee on Health Vice Chairman at Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang pag-amyenda sa Republic Act 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Sa ilalim ng House Bill 9252 na inihain ni Barzaga, nais nito na gawing “mandatory” ang pagbabakuna para sa mga Pilipinong ‘eligible’ na makakuha ng COVID-19 vaccination na siya namang tinukoy ng Department of Health (DOH).

Nakasaad sa panukala na para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19, kailangang mabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa.

Magiging trahedya sa bansa ayon kay Barzaga kung may ligtas at epektibong bakuna ngunit marami naman ang ayaw magpaturok dahil sa takot.

Makakamit lamang anya ang herd immunity sa bansa kung may batas na gagawing mandato at isusulong ang COVID-19 vaccination, tutugunan ang pangamba sa bakuna at itataas ang kumpyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine.

Binigyang diin pa na mahalagang maitaas ang kumpyansa ng publiko sa bakuna sa pamamagitan ng pagpapaigting sa mass information campaign gamit ang print, radio, tv at social media.

Tinukoy pa sa panukala na hindi na bago ang pagoobliga sa vaccination law kahit sa ibang bansa lalo na kung ito naman ay ipapatupad para sa kapakanan ng nakararami.

TAGS: Cavite Rep. Elpidio Barzaga, COVID-19, House Bill 9252, mandatory, vaccination, Cavite Rep. Elpidio Barzaga, COVID-19, House Bill 9252, mandatory, vaccination

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.