Naghain ng resolusyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Makabayan bloc upang maimbestigahan ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa House Resolution 1728, hinihimok ng Makabayan bloc ang House Committee on Public Accounts na magsagawa ng imbestigasyon “in aid of legislation” hinggil sa budget ng NTF-ELCAC na nagkakahalaga ng P19 billion sa ilalim ng 2021 National Budget.
Nakasaad sa resolusyon na mayroong P2.6 billion mula sa P19 billion budget ng NTF-ELCAC, na naikalat sa iba’t-ibang ahensya nang walang project breakdown.
Bukod ito, mayroon pa anilang kwestyonableng Special Allotment Release Orders (SAROs) na aabot sa P9.65 billion na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM) sa NTF-ELCAC para sa Barangay Development Program nila.
Ang nabanggit na halaga ay inilabas umano ng DBM mula March 24, 2021 hanggang April 23, 2021 para sa implementasyon ng programa.
Gayunman, ang detalye ng proyekto para sa bawat SARO ay hindi ma-access sa DBM website.
Giit ng Makabayan bloc, karapatan ng publiko na malaman kung papaano ginagastos ng NTF-ELCAC ang kanilang pondo sa gitna na rin ng patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic.
Bukod naman sa congressional inquiry, inirekomendanda rin ng Makabayan bloc ang agarang suspensyon ng pag-iisyu ng SARO para sa mga aktibidad at proyekto ng NTF-ELCAC, sabay giit na ilipat na ang pondo ng task force sa ibang mga programa ng gobyerno para sa emergency cash aid ngayong pandemya.