Home vaccination para sa mga hindi makalabas ng bahay, inirekomenda

Kuha ni Chona Yu/Radyo Inquirer On-Line

Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang inter-agency task force na payagan ang home vaccination para sa mga hindi makalabas ng bahay gaya ng bedridden at mga may kapansanan.

Ayon kay Castelo, maari namang ayusin ng IATF at ng Department of Health ang pagbabakuna sa most vulnerable citizens sa pamamagitan ng local government units.

Rekomendasyon nito, magparehistro ang target individuals o kanilang kaanak sa barangay para matingnan ang kondisyon.

Pwede anyang magrequest para sa volunteer doctors o nurses na magsasagawa ng pagbabakuna para hindi na rin maabala ang mga healthcare worker sa LGU vaccination centers.

Sabi ng kongresista, kung magkakaroon ng home inoculation ay matitiyak na walang mapag-iiwanan sa Covid-19 vaccination program ng gobyerno.

Ito’y lalo’t sinasabi ng mga health advocate na sa panahon ng pandemya ay walang sinuman ang ligtas hangga’t hindi lahat ay ligtas.

Una nang iminungkahi ni Castelo na payagan ng IATF ang mga private subdivisions o villages na magsagawa ng sariling bakunahan sa kanilang mga residente para maiwasan ang siksikan sa mga vaccination site.

Read more...