Sa pagpapatuloy ng kanilang patutsadahan, binweltahan ni Vice President Jejomar Binay ang kapwa niya presidential candidate na si Mayor Rodrigo Duterte tungkol sa pagiging “berdugo.”
Tinawag kasi ni Duterte si Binay na “berdugo ng pera ng bayan” bilang sagot sa sinabi ng Bise Presidente na ang alkalde ay “berdugo ng mahihirap” dahil pawang mga mahihirap lamang ang pinapatay aniya nito.
Kalmadong payo ni Binay kay Duterte, wala namang katagang “berdugo ng pera,” kasabay ng paliwanag niya na wala namang dadanak na dugo mula sa pera dahil wala naman itong buhay.
“Excuse me lang, ha, ang ‘berdugo’ ginagamit lang ‘yon sa pumapatay ng tao. Ang pera, wala namang berdugo ng pera. Wala namang buhay ‘yong pera… Walang blood,” ani Binay.
Dahil rin aniya sa mga sagot ni Duterte, hindi niya namamalayang sa kaniyang sistema na mismo lumalabas na siya ay berdugo.
Giit pa ni Binay, hindi naman siya tulad ni Duterte na pumapatay lang ng mga maliliit at mahihirap na kriminal, na pulos pambibintang lang.
Paalala niya pa kay Duterte, tanging ang husgado lang ang makakapagsabi kung ang isang tao ay tunay na may kasalanan o wala.
Samantala, sinabi naman ng presidente ng partido ni Duterte na PDP-Laban na si Sen. Koko Pimentel, posibleng si Binay ang unang-unang malaking personalidad na makukulong oras na manungkulan ang Davao City Mayor.
Ayon kay Pimentel, walang palulusuting sinuman ang magiging administrasyon ni Duterte sa kampanya nito laban sa krimen at korapsyon.
Si Binay aniya ang unang makakatikim ng sinasabi niyang patas na hustisya sa ilalim ng Duterte administration dahil sa mga katiwalian niya bilang dating mayor ng Makati City.