Community pantry suportado ni Senador Bong Go

Suportado ni Senador Bong Go ang mga nagsulputang community pantry sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Pero ayon kay Go, dapat na siguruhin lamang na nasusunod ang mga health protocols laban sa COVID-19. Ayon kay Go, dapat na magka-tandem na magtrabaho ang pamahalaan at publiko. “Maganda po ang intensyon ng mga inisyatibong ito. Ngunit mas maganda kung masisiguro natin na nasusunod ang health guidelines ng gobyerno para hindi po maging sanhi ang mga ito ng pagkalat ng COVID-19,” pahayag ni Go. Mahalaga ayon kay Go na makipag-ugnayan din ang mga organizer ng community pantry sa mga awtoridad para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa. “Pinoproteksyunan po ng gobyerno ang karapatan ninyo na magsagawa ng sarili ninyong inisyatibo para makatulong sa inyong komunidad. Pero intindihin rin sana natin na ginagampanan rin ng gobyerno ang kanyang tungkulin, ayon sa ating mga batas, na proteksyunan rin ang bawat tao mula sa kapahamakan dahil bawat buhay ng Pilipino ay importante sa labang ito,” pahayag ni Go. “Palagi ko ngang sinasabi, hindi lang ito laban ng gobyerno lamang. Laban ito ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo.  Kailangan ang kooperasyon ng lahat. Magtulungan, magbayanihan at magmalasakit tayo sa isa’t isa dahil iisa lang naman ang hangarin natin at iyan ay ang maiahon ang ating bayan mula sa krisis,” dagdag ng Senador. Matatandaang isang matandang lalaki ang namatay habang nakapila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin. “Hindi po ito panahon para magsisihan, magsiraan, o maglamangan pa. Panahon po ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit, at pakikiisa sa bayanihan,” pahayag ni Go.

Read more...