Food shortage, pinangangambahan sa gitna ng matinding tagtuyot

By Jay Dones April 14, 2016 - 04:28 AM

 

Richard Reyes/Inquirer

Nagpahayag ng pangamba ang International Rice Research Institute (IRRI) sa posibilidad na magkaroon muli ng isang ‘world food crisis’ 2008 na isinisi noon sa El Niño phenomenon noong 2007-2008.

Ang bababala ng IRRI ay bunsod ng pagsirit ng temperatura nitong nakaraang mga araw kung saan naitala ang 52.3 degrees Celsius na heat index nitong nakaraang Myerkules sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ang heat index ang aktuwal na nararamdamang temperatura ng katawan ng tao.

Sa kasalukuyan, ito na ang pinakamataas na naitala ngayong taong ito simula nang pumasok ang dry season sa bansa.

Ayon kay Sam Mohanty, hepe ng social sciences division ng IRRI, stable pa naman ang sitwasyon ngunit dapat bantayan ang magiging reaksyon ng mga ‘rice-importing countries’ sa matinding tagtuyot.

Noong 2007-2008 El Niño crisis, nag-panic ang mga naturang bansa kaya’t umiral ang kakapusan sa suplay ng pagkain.

Upang mapigilan aniya na maulit ang pangyayari, ngayon pa lamang ay dapat nang kumilos ang ASEAN plus 3 (ASEAN+3) o ang Association of Southeast Asean Nations o ASEAN, Japan, China at South Korea at India upang mailatag na ang long-term food security at kabuhayan para sa East Asia.

Noong 2012, itinaguyod ang ASEAN+3 Emergency Rice Reserve o APTERR upang matiyak na may 787,000 tonelada ng bigas na nakareserba sakaling maapektuhan ng kalamidad ang rehiyon.

Sa panig ng Pilipinas, nangako itong maglalaan ng 12,000 tonelada ng bigas para sa programa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.