Iyo ang Tondo, Akin ang Cavite Part 2: Gov. Jonvic kay Mayor Isko: Ang yabang mo na!
Binuweltahan ni Cavite Governor Jonvic Remulla si Manila Mayor Isko Moreno sa naging pahayag ng huli laban kay Naic Mayor Jun Dualan ukol sa hindi pagbibigay ng ayuda sa mga informal settlers mula sa Maynila.
“Yorme, alam ng lahat ang ambisyon mong maging Pangulo. Wala namang isyu don. Libre mangarap ang kahit sino. Pero sana ay huwag mong tapakan ang iba para lamang umangat ka. Hindi ka pa nga Pangulo ay ang yabang mo na,” ang mensahe ni Remulla sa kanyang Facebook post patukoy kay Moreno.
Sa unang bahagi ng kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Remulla ang sistema ng pamamahagi sa kanilang lalawigan ng ‘cash ayuda,’ gayundin ipinagkumpara niya ang Naic sa Maynila, partikular na usapin ng pondo.
Nag-ugat ito sa sinasabing pagkastigo ni Moreno sa isang panayam kay Dualan.
“Yung sinasabi ni Yorme na hindi binigyan ng SAP ang mga galing Maynila? Ito ay dahil kulang ang ibinigay ng National Government ayon sa kada-pamilya na apektado,” sabi pa ni Remulla.
Paliwanag ng gobernador; “ Ang bilang ng SAP ay ayon sa 2015 census. Ibig sabihin, ang SAP na para sa 1,092 pamilya ay naka-pondo po ngayon sa Maynila at hindi sa Naic. Lumipat lamang ang mga pamilya na ito noong 2019. Kaya’t sinong Mayor ang may hawak ng pera?!”
“Yorme, huwag mo namang sabihin na hindi namin iniintindi ang mga galing Maynila. Sila ay nag-aaral sa aming mga paaralan at humingi ng tulong sa aming Mayor. Nag-aaral ang mga kabataan sa aming State University ng libre. Lahat ng basic services ay binibigay namin. Kahit galing Maynila, basta lumipat sa Cavite ay Caviteño na rin ang turing naming,” ang mensahe pa din ni Remulla kay Moreno.
At sa huling bahagi ng Facebook post ni Remulla ay mas mabibigat na salita ang binitiwan nito laban kay Moreno.
“Hirap na hirap na nga kami dito, kami pa ang ginawa mong rason dahil sa pagka-atat mong sumikat. Sana, pag-aralan mo muna ang suliranin bago ka magpuputak ng walang kwenta. Kung pagpapasikat lang ang gusto mo? Hindi mo kailangan mang-apak ng Caviteño. Wag kaming mga Caviteño ang pag-initan mo. Hindi ka namin uurungan,” sabi pa ni Remulla.
Noong nakaraang taon, minsan na rin nakabanggaan ni Moreno ang ilang senador dahil sa kanyang naging pahayag nang hindi diumano pagta-trabaho ng ilang mambabatas sa kabila ng pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.