Nadismaya pa lalo si Senator Joel Villanueva sa patuloy na pangangatuwiran ng ilang opisyal ng gobyerno sa ‘red tagging’ sa mga community pantry organizers.
Sa kanyang social media post, nanawagan si Villanueva na alisan na ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa susunod na taon.
Reaksyon ito ni Villanueva sa pagkahalintulad ni NTF-ELCAC spokesman, Lt. Gen. Antonio Parlade kay Satanas sa mga nagsulputang community pantries, na pinasimulan ni Ana Patricia Non.
“Reallocate the current P19 billion budget for ayuda. Mas kailangan ito ng taumbayan kaysa sa mga ganitong kalokohan,” ang sabi ni Villanueva na patukoy sa pahayag ni Parlade.
Agad naman sinegundahan ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pahayag ni Villanueva at ang kanyang tugon; “I agree, bro. If these are the kind of people who will spend hard earned taxpayer’s money, then it’s not worth it.”
Si Senator Nancy Binay, una na rin hiniling na masuri ang budget ng NTF-ELCAC at aniya ang dapat na maging prayoridad ay ang pagharap sa pandemya at hindi ang red-tagging o problema sa komunismo.
Sa naging deliberasyon ng 2021 budget ng NTF-ELCAC sa Senado, hiniling na ni Senate Minority Leader Frank Drilon na mare-align ang budget ng nabanggit na opisina sa COVID-19 response ng gobyerno, ngunit hindi siya napagbigyan ng mga kapwa mambabatas.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, hindi naman makatuwiran na alisan ng pondo ang programa sa pangamba niya na mabalewala ang mga positibong nagawa na ng mga programa ng NTF-ELCAC sa isyu ng communist insurgency sa bansa.
“We should not be hasty in blaming a good program because of irresponsible statements from some officials. Replace the official instead,” sabi pa ni Sotto.