Pinuna ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga insidente ng biglaang pagkawala ng kuryente sa ilang power plants sa Luzon.
Nais ni Gatchalian na imbestigahan ng Department of Energy at Energy Regulatory Commission ang mga insidente dahil nagresulta ito sa pagtaas sa bayarin sa kuryente ng mga konsyumer.
Hiniling din nito sa DOE na tingnan ang problema ng ilang power producers sa pangamba na magkaroon ng pagkawala ng kuryente sa mga darating na araw kasabay ng pagpapaigting ng COVID-19 vaccine rollout sa susunod na buwan hanggang Hunyo.
“Hindi dapat tayo magkaroon ng brownouts dahil padating pa ang mga bakuna natin by the end of this month, May, or June at maseselan itong mga vaccines. May iba na kailangan ng almost subzero freezing temperature o mga freezer na kaya ang negative 20 degrees. Kaya kung may brownout tayo, saan natin ilalagay ang mga bakuna natin? Malaking dagok ‘yan sa atin at maaantala ‘yung vaccination process natin,” sabi ni Gatchalian.
Paalala niya, noong nakaraang Nobyembre naglabas ang ERC ng polisiya kaugnay sa reliability index ng power plants at kung saan kapag hindi ito nasunod ay pagmumultahin ang power producers.