Inanunsiyo ng Department of Justice (DOJ) na natukoy at naparusahan na ng Facebook ang mga responsable sa pagkalat ng malaswang video.
Ayon sa DOJ – Office of Cybercrime, kinumpirma na ng Facebook APAC Legal Law Enforcement Outreach na inalis na ang ‘page’ na iniugnay sa malawakang ‘malicious tagging.’
Bukod dito ay pinarusahan na rin ang mga administrator ng naturang Facebook page.
Ayon pa sa DOJ – OCC, agad silang nakipag-ugnayan sa Facebook hinggil sa mga sumbong na marami ang na-‘tag’ sa isang link ng isang malaswang video, na bago naman mapapanood nang buo ay kailangan mag-install ng ‘updated video player.’
“When clicked, it will result in the automatic and random tagging in the same post of other Facebook account users,” paliwanag ng DOJ-OCC.
Pinag-iingat na rin ng kagawaran ang netizens na mag-ingat at maging mapanuri sa mga natatanggap na ‘notifications’ sa kanilang social media accounts.