Mga pulis na nag-red tag sa community pantry organizers, pinaiimbestigahan sa CIDG
Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas ang Criminal Investigation and Detection Group at Police Regional Offices na imbestigahan ang mga pulis nag-red tag o nagsagawa ng profiling sa mga nag-organisa ng community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ilang pulis na kasi ang nagsagawa ng sariling pagsisiyasat kung may kaugnayan sa makakaliwang grupo ang nagpasimuno ng community pantry sa Maginhawa Street sa Quezon City.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Ronaldo Olay na wala kasing utos si PNP chief Sinas na magsagawa ng prolifing sa mga community pantry organizer.
Kasabay nito, pinasisiyasat na rin ni Sinas sa Anti Cybercrime Group ang mga nagpakalat ng mga malisyosong text pati na sa social media.
“Basta ito iyong kautusan ng ating mahal na hepe ay no profiling, no red tagging at pinag-utos na rin niya kanina, nag-usap kami kanina na imbestigahan ng CIDG at mga PROs, Police Regional Offices, iyong mga alleged na mga red-tagging na iyan, imbestigahan nila iyong sarili nilang mga tauhan at ang ating [Anti] Cybercrime Group ay imbestigahan din ang mga pagkakalat ng mga malisyosong mga text na ito at saka iyong sa social medi,” pahayag ni Olay.
Sa Facebook post ni Ana Patricia Non, ang organizer ng community pantry sa Maginhawa Street, sinabi nito nadawit na siya sa red tagging issue.
Ito ay matapos akusahan ng Quezon City Police District at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na frony ng community propaganda ang kayang community pantry.
Itinanggi ito ni Non at humingi na ng paumanhin ang QCPD.
Ayon kay Olay, wala na siyang pakialam sa ginawang red tagging ng NTF-ELCAC.
“I can only speak for the Philippine National Police ‘no, kung anuman iyong activities ng ELCAC ay wala akong concern doon,” pahayag ni Olay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.