QC gov’t, suportado ang community pantry

Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kay Ana Patricia Non at sa iba pang indibiduwal na suportado ng lokal na pamahalaan ang community pantry.

Ang naturang inisyatibo aniya ang nagpapakita ng ‘bayanihan spirit’ sa mga residente ng lungsod.

Aniya, sisiguraduhin ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mga organizer at benepisyaryo ng community pantry.

Sinabi ni Belmonte na umaasiste ang Task Force Disiplina at barangay leader upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Maginhawa Community Pantry.

Naroon aniya ang ilang opisyal ng barangay para ipaalala ang pagsunod sa minimum health standards at ma-control ang pagdagsa ng mga tao.

Ayon sa alkalde, ipinag-utos din ito sa Task Force Disiplina para sa iba pang community pantries sa lungsod.

Nakipag-ugnayan na aniya siya kay Non para mapag-usapan ang kaniyang kaligtasan at seguridad.

“I have requested QCPD District Director Brig. Gen. Antonio Yarra to conduct an investigation regarding Ms. Non’s apprehensions and esrlier experiences,” pahayag ng alkalde.

Makikipag-ugnayan din aniya siya sa Station 9 Commander Police Lt. Col. Imelda Reyes para matalakay ang security concerns ni Non.

“In these difficult times, let us allow kindness and selflessness to prevail,” dagdag ni Belmonte.

Read more...