Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng house-to-house registration para sa mga nais maturukan ng COVID-19 vaccine.
Puna ni Robredo, marami pa rin sa mga Filipino ang natatakot o walang tiwala sa bakuna sa katuwiran na hindi pa nauubos ang dalawang milyon lang na bakuna na naipadala na sa bansa.
Ngunit aniya, kaya din naman mababa pa ang bilang ng mga nais magpabakuna, ito ay dahil marami rin sa ating mga kababayan ang hindi marunong magparehistro online.
Diin niya, napakahalaga na ang LGUs na ang lumapit at humimok sa kanilang mga kababayan na magpabakuna na laban sa nakakamatay na sakit.
Ito aniya ay maaring gawin ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
Nabanggit din ni Robredo, sa kanyang ambag para mabigyan ng kumpiyansa ang taumbayan na magpabakuna, nakikipag-usap siya sa mga director at artists na gumawa ng maiigsing videos para mawala ang mga pangamba at pag-aalala sa bakuna.