Ayon kay Salceda, magandang balita ito dahil kapag hindi gaanong malaki ang binabayarang utang ng pamahalaan ay mas maraming tao ang matutulungan.
Base sa latest debt service data ng Bureau of Treasury (BTr), natukoy na noong Pebrero ay P33.3 billion lang ang binayad ng pamahalaan sa utang ng bansa.
Mas mababa ito ng 77 porsyento kumpara sa P144.64 billion na ibinayad sa kaparehong buwan noon namang nakaraang taon.
Nakasaad sa datos ng BTr na malaki ang ibinaba sa binabayarang amortization ng pamahalaan, dahilan kung bakit dumoble naman ang babayarang interest nito.
Gayunman, sinabi ni Salceda na mayroong sapat na fiscal protection ang Pilipinas kaya kahit tumaas ang utang ng gobyerno ay mababa naman ang peso-on-peso interest ng mga ito.
Bagama’t malaki aniya ang debt flow o deficit ng Pilipinas, ang debt stock ng bansa ay mas mababa kung ikukumpara sa sariling historical performance mismo.
Gayunman, kailangan na patuloy na magkaroon ng fiscal at economic reforms, at suportahan ng pamahalaan ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa upang maipakita sa capital markets na committed ang Pilipinas sa anumang hakbang para makabangon sa kalbaryong idinudulot ng COVID-19 pandemic.