Arestado ang siyam katao matapos magsagawa ng operasyon ang mga tauhan Manila Police Station 13 sa loob ng Benigno Aquino Elementary School sa Blk. 15-A main Road, Baseco Compound, Port Area, Maynila.
Nakilala ang nga suspek na sina Mujahid Usop, 24-anyos; Boyet Sapat, 40-anyos; Bainot Kanakan, 25-anyos; Alma Carandang, 40-anyos; Noria Edzakal, 19-anyos; Sarah Mercader, 41-anyos; at Arbaya Lamalan, 34-anyos; Zucarno Macabago; at Engellow Canon.
Pawang nahaharap ang mga suspek sa kasong estafa at falsification of private documents.
Ayon kay Station Intelligence Branch Police Captain Edwin Fuggan, gumamit ng pekeng ID ang mga suspek sa pamamahagi ng social amelioration program sa loob ng eskwelahan.
Nabatid na ginagamit ng mga suspek ang pekeng ID ng Manila Royal House and Counsel of Elders Incorporated.
Habang isinasagawa ang interview sa mga suspek bago bigyan ng SAP, napansin ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na magkaiba ang impormasyon sa kanilang data base.
Dito nabuking ang mga suspek na peke pala ang kanilang ID.
Ilan sa mga suspek ay nakatanggap na ng P4,000 ayuda mula sa pamahalaan.
Inamin din ng mga suspek na binili nila ang mga pekeng ID para makakuha ng ayuda.