Pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong plunder ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles.
Sa resolusyon ng Sandiganbayan 4th Division, maliban kay Napoles, pinaburan din ang hiling na makapagpiyansa sa parehong kaso ni Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete.
P500,000 ang inirekomendang piyansa ng Sandiganbayan kina Napoles at Lanete.
Ayon sa anti-graft court, mahina ang evidence of guilt laban Kay Napoles at Lanete sa kasong plunder na nagkakahalaga ng mahigit P64.404 million.
Ang nasabing resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Geraldine Faith Econg at kinatigan naman ng Chairperson ng dibisyon na si Associate Justice Jose Hernandez at isa pang mahistrado na si Alex Quiroz.
Nakasaad sa 77 na pahinang resolusyon na jindi malinaw na nailahad ng prosekusyon ang partisipasyon ni Lanete sa kaso, pati na ang kaugnayan nila ni Napoles.
Sa kabila ng nasabing desisyon ng Sandiganbayan 4th division at kahit pa makapaglagak ng piyansa si Napoles ay mananatili ito sa Correctional Institution for Women matapos mahatulan ng 40-taon na pagkakabilanggo sa kasong serious illegal detention na isinampa laban sa kaniya ni Benhur Luy.
Maliban dito, mayroon ding iba pang plunder cases na kinakaharap si Napoles sa ibang dibisyon ng Sandiganbayan.
Samantala, agad namang dumating sa 4th division ng Sandiganbayan ang anak ni Lanete na si Atty. Jessie Lanete para maglagak ng piyansa.