Pamamahagi ng cash aid sa mga apektado ng ECQ, bahagyang bumilis

Manila PIO photo

Bahagyang bumilis ang pamimigay ng pinansyal na ayuda ng lokal na pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya na sa National Capital Region, 31 porsyento na ang nabigyan ng ayuda.

Nangangahulugan ito ng 3.4 milyong beneficiaries at P 3.4 bilyon.

“So bumibilis na po ang ating pamimigay at wala pong tigil ang ating mga local government units sa pamumudmod ng ayuda mula sa national government,” pahayag ni Malaya.

Kasabay nito, sinabi ni Malaya na pinag-aaralan pa ngayon ng DILG ang hirit ng local government units na palawigin ang pamimigay ng ayuda.

“Well mayroon na po kaming mga natanggap na mga requests for extension gaya po dito sa NCR: Muntinlupa, Valenzuela City, Quezon City. Mayroon din pong ilan sa Bulacan, sa Rizal, Laguna and Cavite. Ngunit ito pong mga request na ito ay pag-uusapan pa, magpupulong pa po si Secretary Eduardo Año,” pahayag ni Malaya.

Aabot sa P22.9 bilyon ang inilaang ayuda ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng dalawang linggong ECQ.

Read more...