Halos kalahating milyong pamilyang Manilenyo, nakatanggap na ng food subsidy mula sa LGU
(Manila PIO)
Halos kalahating milyong pamilya na sa Lungsod ng Maynila ang nabigyan ng lokal na pamahalaan ng ayuda ngayong Abril sa ilalim ng sarili nitong COVID-19 Food Security Program (FSP).
Ito na ang ikatlong buwan ng pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng food boxes sa may 700,000 na pamilya sa lungsod.
Ayon sa huling tala ng LGU Manila kahapon, umabot na sa mahigit 450,000 food boxes ang naipamahagi sa 638 na mga barangay sa buong siyudad. Ito’y sa loob lamang ng walong araw na pamamahagi sa mga distrito.
Bukod dito ay puspusan din ang pagkilos ng lokal na pamahalaan upang maipamahagi ang tig-P4,000 na cash assistance mula sa national government para sa bawat pamilyang Manilenyo na lubhang apektado ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Sa loob lamang ng sampung araw na distribusyon, umabot na sa 165,224 na pamilya o 44% ng kabuuang bilang ng mga benepisyaryo sa Maynila ang nakatanggap na ng kanilang cash assistance.
Ngunit hindi lang sa pagbibigay ng ayuda abala ang Pamahalaang Lungsod.
Batay sa ulat ng National Task Force Against COVID-19, nangunguna rin ang Maynila sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa National Capital Region. As of April 14, tinatayang nasa 72,141 na ang nabakunahan sa Maynila.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, ito ay dahil sa pagtanggap ng walk-in individuals sa vaccination sites. Dagdag pa ng Alkalde, tinitiyak ng lokal na pamahalaan na agad na-dedeploy ang mga bakuna pagkarating nito sa lungsod.
Samantala, ang walang patid na pagbibigay ng ayuda at pagbabakuna sa mga Manilenyo ay bahagi ng programa ng Pamahalaang Lungsod na layong maibsan ang hirap na dinaranas ng mga mamamayan nito sa gitna ng pandemya habang nabibigyan din sila ng karagdagang proteksyon laban sa sakit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.