Bangladeshi bank, nagpadala ng 3 urgent messages sa RCBC

April 13, 2016 - 05:06 AM

rcbc jupiterTatlong beses nagpadala ng urgent messages ang Bangladesh central bank para alertuhin ang Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) na kaduda-duda ang naganap na transaksyon ng $81 million dirty money na naipasok sa bansa.

Sa unang mensahe ng Bangladesh central bank, pinayuhan nito ang RCBC na kahina-hinala ang transaksyon at saka nila hiniling na pigilan ito, at sinabi pa nilang sakaling naisakatuparan na, i-freeze muna ang account na binagsakan ng pera para maimbestigahan.

Dito rin sa unang mensahe na ipinadala February 9, sinabi na agad ng Bangladesh bank na sa tingin nila isang paglabag sa anti-money laundering law ang transaksyon.

Kinabukasan, February 10 ay muli silang nagpadala ng mensahe na nagsasabing fraudulent ang transaksyong iyon at nagkaroon ng unauthorized access sa kanilang Swift system, at muling hiniling ang pagpapatigil ng transaksyon at ibalik ang pera sa account number 21083190.

Gayunman, ayon kay RCBC legal chief Ma. Celia Fernandez-Estavillo, ipinadala ang mga mensaheng ito gamit ang “unauthenticated, free format” at nakalagay lamang na ito ay normal priority.

Ito ang itinurong dahilan ni Estavillo kung bakit hindi nila ito agad nakita dahil nang magbukas sila pagkatapos ng Chinese New Year long weekend, natambakan sila ng mga mensahe, at natabunan ito dahil dapat aniya, inilagay ito bilang “high priority” message.

Pero hindi nakalusot kay Senate blue ribbon committee chairman Sen. TG Guingona, dahil ipinunto niya na kung sana’y binuksan pa rin ng RCBC ang mga mensahe, disin sana’y naalertuhan sila agad.

Giit pa ni Guingona, sa parte pa lang ng mensahe na sinabi ng Bangledeshi bank na sa tingin nila ay labag ito sa anti-money laundering law, dapat ay malinaw nang kaduda-duda ang transaksyon.

Paliwanag naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hindi makakapagpadala ng high priority at authenticated message ang Bangladesh sa RCBC dahil wala namang naunang transaksyon ang dalawa na mangangailangan ng ganitong uri ng mensahe.

Ayon pa kay BSP Settlement Services Division acting manager Nenita Cadapan na may alam sa operasyon ng Swift system, malalaman naman ng RCBC kung saan bangko at bansa nanggaling ang pondo sa pamamagitan ng Swfit code.

Muli namang ibinunton ng RCBC ang sisi kay dating branch manager Maia Deguito, na hindi pa umano itinigil ang transaksyon sa kabila ng stop payment request ng Bangladesh.

TAGS: Kathleen Betina Aenlle, Kathleen Betina Aenlle

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.