Sen. Ping Lacson ibinunyag higit P1B nawawala kada taon sa smuggling ng isda at seafoods
Nagkaroon ng bagong pagbubunyag si Senator Panfilo Lacson at ito ang smuggling at misdeclaration ng imported seafoods, kasama na ang isda.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole sa isyu ng seguridad ng pagkain, partikular na sa suplay ng karne ng baboy sa bansa, ibinahagi ni Lacson na umaabot sa higit P1 bilyon ang nawawalang kita ng gobyerno mula 2015 hanggang noong nakaraang taon.
Ito aniya ay dahil sa smuggling at misdeclaration ng mga imported na isda at seafoods.
Ibinase ng senador ang kanyang pagbubunyag sa magkakaibang datos ng mga isda at seafoods na pumapasok sa Pilipinas mula sa 15 bansa.
Aniya sa record ng World Trade Organization at Philippine Statistics Office may kaibahan ng 20 milyong kilo ng imported seafoods at may kaibahan din ng P20.9 bilyon sa halaga.
Nangangahulugan lang ito aniya na may hindi nagbabayad ng tamang buwis at ito rin aniya ang nangyayari sa pag-angkat ng mga gulay at iba pang imported na produktong-agrikultural.
Nangako na ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na iimbestigahan ang ibinunyag ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.