Pagtugon sa pananatili ng Chinese vessels sa WPS, idinadaan ni Pangulong Duterte sa pribadong paraan

PCOO photo

Idinadaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pribadong paraan ang pagtugon sa ginagawang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas makabubuting hayaan na si Pangulong Duterte sa kanyang istilo.

Hindi na aniya dapat na ianunsyo sa publiko ang diplomatic initiatives at mga hakbang na ginagawa ng Pangulo.

“Ang larangan ng diplomasya isang exception to freedom to information. Kung anuman ang ginagawa ng Presidente hayaan na nating gawin niya iyon sa isang pribadong pamamaraan dahil hindi naman po dapat inaanunsiyo sa publiko kung ano iyong mga diplomatic initiatives at hakbang na ginagawa ng Pangulo. Needless to say kaya po iyan covered by exception dahil the President must make the right decision no matter what, ” pahayag ni Roque.

Naipakita naman aniya ng Pangulo ang kanyang paninindigan sa West Philippine Sea.

“So let’s leave the President to his devices, napakita naman po niya na so far in the past 5 years of his administration, we have moved from a position of antagonism with China to a position of friendship at malaki naman po ang mapapakinabang natin ngayong nakakapag-usap tayo ng bansang Tsina,” pahayag ni Roque.

Sinabi ni Roque na susunod ang Pilipinas sa codification ng Code of Conduct kung ang pag-uusapan ay ang panukalang pagtatayo ng istruktura ng marine features sa Spratly Islands at Pagkakaisa Bank para mapigilan ang panghihimasok ng ibang bansa.

Una nang sinabi ng National Task Force for West Philippine Sea na nasa 240 Chinese vessels ang namamalagi sa West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas.

Read more...