5-oras na rotational brownout, mararanasan sa Davao City

brownout-0319Inanunsyo ng Davao Light and Power Company (DLPC) na simula ngayong araw, April 13, magiging 5 oras na ang mararanasang power interruption ng buong Davao City araw-araw.

Ayon sa DLPC, numinipis na ang supply ng kuryente para sa lungsod kaya kailangan nila itong gawin upang ma-rasyunan nila ang lahat ng customers nila.

Sa ngayon kasi anila, tumaas na sa 100 MW ang kanilang power deficit, at sa kada-20 MW deficit, 1 oras na kawalan ng kuryente ang katumbas nito.

Hahatiin naman nila ang rotational brownout sa dalawang schedule, kung saan ang unang apat na oras ay gaganapin sa pagitan ng peak period na 8am hanggang 8pm., at isang oras naman sa off-peak period na 7am hanggang 8am at 8pm hanggang 12mn.

Bago pa man ianunsyo ang 5-oras na rotational brownout, naiinis na ang mga residente dahil sa mga brownout na kanilang nararanasan mula pa noong April 6 na tumatagal ng hanggang sa apat na oras kada araw.

Paliwanag ng DLPC, ang lumalalang kakulangan sa kuryente ay parehong dulot ng natural at mechanical issues, tulad ng epekto ng El Niño sa mga malalaking hydro power plants sa Mindanao, at ang pag-shutdown ng dalawang Agus plants at Therma South Inc. coal-fired power plant.

Gayunman, sinabi naman ng kumpanya na inaasahang mas bubuti na ang sitwasyon oras na manumbalik na sa operasyon ang coal-fired power plant sa Davao City.

Read more...