Bilang sukli sa kanilang serbisyo, higit 90,000 foreign students at workers ang bibigyan na ng permanent residency ng gobyerno ng Canada.
Sa anunsiyo ni Immigration Minister Marco Mendicino ito ang paraan nila para kilalanin ang kontribusyon ng ‘foreign essential workers’ sa pagharap nila sa pandemya dala ng COVID 19.
Magiging epektibo ang programa simula sa darating na Mayo 6 at sasakupin nito ang mga banyaga na bukod sa nakakatulong sa paggamit ng COVID 19 patients ay mahalaga rin ang trabaho, gaya ng store cashiers, truck drivers maging farm workers, na may isang taon nang nananatili sa Canada.
Gayundin ang mga banyagang estudyante na nakapagtapos ng kolehiyo nitong nakalipas na apat na taon.
Paliwanag pa ni Mendicino, makakatulong ang programa na maabot nila ang target na mabigyan ng permanent residency status ang 400,000 immigrants matapos maapektuhan ang pagpasok ng mga foreign nationals sa kanilang bansa noong nakaraang taon dahil sa lockdown.
“The pandemic has shone a bright light on the incredible contributions of newcomers. These new policies will help those with a temporary status to plan their future in Canada, play a key role in our economic recovery and help us build back better,” sabi pa ni Mendicino.
Dagdag pa niya; “Your status may be temporary, but your contributions are lasting — and we want you to stay.”