Bahagyang bumaba ang naitatalang aktibidad ng Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras.
Ayon sa Phivolcs nakapagtala sila ng 174 na volcanic earthquakes kabilang ang 120 na volcanic tremors sa Bulkang Taal sa nakalipas na 24 na oras na tumagal ng isa hanggang 19 na minuto.
Mayroon din itong 53 low frequency volcanic earthquakes, isang hybrid earthquake at low-level background tremor na nagsimula noon pang 9:05 ng umaga ng April 8, 2021.
Sabi ng Phivolcs, mayroon ding mahinang pagsingaw na may taas na limang metro mula sa Main Crater ng bulkan.
Nakapagtala rin ng 1,886 na toneladang pagbuga ng sulfur dioxide kada araw noong, April 12.
Nasa 71.8 degrees Celsius na init sa main crater ng Bulkang Taal.
Nagpapatuloy pa rin naman ang pamamaga ng bulkan na nagsimula sa pagsabog nito noong Enero ng nakalipas na taon.
Dahil dito, sinabi ng ahensya na nagpapakita lamang ang kanilang mga obserbasyon na patuloy ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.
Pinaaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na sa ilalim ng Alert Level 2, ang steam-driven o phreatic na pagputok, volcanic earthquake, bahagyang abo at mapanganib na ipon o pagbuga ng volcanic gas ay maaaring biglaang maganap at manalasa sa mga paligid ng Taal Volcano Island.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa volcano island na idineklara ng Permanent Danger Zone.
Pinaiiwas din ng Phivolcs ang mga piloto na lumipad malapit sa bulkan dahil sa pinangangambahang pagsabog nito na maaring magdulot ng pinsala sa anumang sasakyang panghimpapawid.