Kamara, hinimok na magsalita na ukol sa isyu ng West Philippine Sea

By Erwin Aguilon April 14, 2021 - 04:52 PM

Isang resolusyon ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon para magsalita ang Kongreso sa patuloy na paglabag ng China sa karapatan ng Pilipinas at mga mamamayan nito sa ilalim ng international law.

Sa inihaing House Resolution 1707, sinabi ni Biazon na kailangang maglabas ng pahayag ang Mababang Kapulungan bilang kinakatawan ng mga miyembro ang bawat mamamayang Filipino.

Kailangan aniyang punahin ng Kamara ang ilang bagong insidente sa West Philippine Sea gaya ng pagharang ng isang barko ng Chinese Coast Guard sa mga Pilipinong nakasakay sa isang civilian vessel sa Ayungin Shoal.

Isa pang binanggit ng kongresista ay ang presensya ng mga barko na pinaniniwalaang Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef.

Kinondena rin ito ang pangha-harass ng mga pwersa ng pamahalaan ng China sa mga Pilipino sa karagatang sakop ng West Philippine Sea.

Ayon kay Biazon, hindi dapat tumigil ang Department of Foreign Affairs o DFA sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China partikular ang patuloy na paglabag nito sa karapatan ng Pilipinas at mga Pilipino sa West Philippine Sea, sa ilalim ng international laws.

Bukod dito, kailangang pagpaliwanagin ang Chinese representative sa Pilipinas ukol sa harassment o pambu-bully ng Chinese Navy vessels sa nabanggit na teritoryo.

Habang ang Department of National Defense aniya ay marapat na patuloy na magsagawa ng maritime patrols sa Philippine Exclusive Economic Zone o EEZ upang igiit at protektahan ang Karapatan ng Pilipinas sa naturang teritoryo.

TAGS: 18th congress, Inquirer News, Radyo Inquirer news, Rep. Ruffy Biazon, West Philippine Sea, 18th congress, Inquirer News, Radyo Inquirer news, Rep. Ruffy Biazon, West Philippine Sea

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.